"Ibagsak!, Ibagsak!". Halos maputol ang lalamunan ni Patrick kasisigaw sa kalsada ng Mendiola. Alas dose noon ng tanghali at tagatak ang pawis niya, sampu ng mga kasamahang taga-Baseco Compound na nag-ra'rally laban sa noon ay pasiyam na taon na ng pamamahala ng rehimeng-Arroyo. Hindi naman talaga galit si Patrick kay Arroyo, ni wala siyang pakialam dito. Isa lang ang dahilan kaya siya nag-ra-rally dito sa Mendiola- ito na ang naka-gawian niyang hanapbuhay. Hanap-buhay na parang suntok sa buwan ang pag-asang ikaw ay kumita. Isa siyang hakot.